Ikaw Lamang Chapter 12
Dalawang lugar lang ang alam niya na pupuntahan ng asawa at iyon ay ang mga magulang nito sa Lanao at ang lolo nito sa Bohol. Tinawagan niya ang mga magulang nito sa Lanao pero hindi daw nadayo doon. Tumawag siya sa Bohol at si Leah ang nakasagot.
“Hello Leah, nandyan ba si Micea?” Kabadong tanong niya sa pinsan ng asawa.
“Oo nandito sila Mon.” Sagot naman nito.
“Anong nangyayari? Bakit nandyan siya?” Hindi pa din maintindihan ni Mon kung bakit umalis ang asawa pero may duda na siya.
“Nahuli ka daw niyang natutulog sa bahay ng babae kaya hayun nagtampo sa’yo.”
“Tawagin mo naman o. Gusto ko siyang makausap.”
“Sandali. Pupuntahan ko sa likod bahay.” Nagpaalam na ito sa kanya at ilang sandali pa’y bumalik na ito.
“Ayaw ka daw niyang makausap.”
“Sabihin mo naman sa kanya na magpapaliwanag ako. Na walang nangyari sa amin ni Glenda.”
“Susubukan ko ulit.” Pero nang magbalik ito ay ayaw pa din siyang makausap ng asawa.
“Ipakausap mo na lang sa akin si Raycea.” Tinawag nito ang bata na kasalukuyang naglalaro sa may hardin.
“Baby girl, si Daddy mo nasa phone.” Patakbong kinuha ng bata ang telepono ng marinig nitong ang ama ang tumatawag.
Hindi nila alam pero nakikinig si Micea sa extension na nasa office ng lolo niya. Masyado siyang nahabag sa pag-uusap ng mag-ama. Ramdam niyang namiss ng anak ang ama nito at namiss din ng asawa ang anak nila.
“Baby girl, sabihin mo kay Mommy na parating na si Daddy. Ok?”
“Ok po Daddy. Bilisan niyo po para makauwi na tayo sa bahay natin.” Pahabol pa ng anak bago tuluyang ibinaba ang telepono.
Kinahapunan ay dumating na si Mon. Sinalubong kaagad ito ng lolo ni Micea.
“Anong ginagawa mo dito?”
“Gusto ko pong makausap ang asawa ko lolo.”
“Wala na kayong dapat pag-usapan pa. Umalis ka na.” Pero bago pa naitaboy ni Bernardo si Mon ay napansin na ito ng anak.
“Daddy!” Niyakap niya ang anak at pinangko ito. “Halina po kayo sa loob. Naghihintay na po si Mommy.”
“Leah, maglaro muna kayo ni Raycea sa sala.” Utos ng lolo ni Micea.
Kinuha naman kaagad ni Leah si Raycea at pinuntahan si Micea para ipaalam dito na dumating na ang asawa niya. Sinabi din nito na pinapaalis ito ng lolo niya kaya dali-dali siyang lumabas.
“Loves!” Tawag kaagad ni Mon kay Micea ng mapansin niyang parating ito.
“Micea, magpapauto ka na naman sa lalaking iyan.”
“Ako na po ang bahala lolo.” Sabi niya kaya walang nagawa ang lolo niya kundi pabayaan sila.
“Loves.” Niyakap kaagad ni Mon si Micea pero kumalas ito at tumalikod sa kanya. Dumaan ito sa gilid ng bahay papunta sa unit niya. Nasa pool sila ng mahabol niya at hinawakan ang braso nito. “Ano bang nangyayari sa’yo? Bakit bigla-bigla ka na lang umalis? Dito pa kayo tumakbo sa lolo mo.”
“Nag-enjoy ka yata sa babae mo e.”
“Ano bang sinasabi mo?”
“Anong sinasabi ko? Huwag mo nga akong lokohin Raymond Alda, alam mo kung ano ang sinasabi ko.”
“Hindi ko din alam kung anong nangyari e. Bigla na lang akong nahilo. Di ba tinext pa nga kita na sunduin mo ako? Bakit naman kita itetext kung may ginawa kami ni Glenda?”
“Ewan ko. Baka gusto mong ipamukha sa akin na wala ka nang pagmamahal sa akin. Na nagsasawa ka na sa akin. Dahil may anak na ako. Na hindi na ako maganda sa paningin mo. Na losyang na ako.” Sunud-sunod na sabi ni Micea habang patuloy na nangingilid ang mga luha niya.
“Ano? Bakit ko naman gagawin iyon? Kailanman hindi ako magsasawa sa’yo. Ikaw lang ang pinakamagandang babae sa paningin ko. Hindi ko magagawang isipin ang mga sinasabi mo… Alam mo namang mahal na mahal kita di ba? Kayo ni Raycea ang buhay ko. Sa susunod na gagawin mo ito, patayin mo na lang ako. Mas madali pa iyon kaysa ganitong unti-unti mo din akong pinapatay.” Halos maluha nang sabi niya sa asawa. Hindi na napigilan ni Micea ang patuloy na maiyak.
“Bakit ka nakahubad doon na natutulog sa kama niya?”
“Hindi ko talaga alam ang sagot. Wala akong kamalay-malay kung ano talaga ang nangyari kahapon. Nagising na lang ako na katabi ko na si Glenda.”
“Humanda sa akin ang babaeng iyon.” Galit na sabi ni Micea.
“Loves sa susunod, isipin mo naman ang kalagayan ko kung lalayasan mo ako. Dito pa kayo sa lolo mo tumakbo. Alam mo namang ayaw sa akin ng lolo mo di ba? Mamamatay ako kapag inilayo niya kayo sa akin. Hindi mo ba naaalala ang mga nangyari dati na inilayo ka niya sa akin? Tapos ngayon dalawa na kayong ilalayo niya kaya mas dobleng sakit sa’kin iyon loves. Hindi ko kakayanin.” Naluluha nang sabi niya kasabay ng isang buntong-hininga. Nahabag naman kaagad si Micea dahil alam niyang tama ang pangamba ng asawa. Nagsisi siya sa nagawa.
“Sorry loves. Hindi ko sinasadya. Nagselos lang ako kay Glenda.”
“Wala ka namang dapat ipagselos e dahil alam mong ikaw lang ang mahal ko. Sorry din loves kung nagselos ka.”
“E ikaw ba kung nakita mo akong nakahubad sa kama ng isang lalaki hindi ka magagalit?”
“Magagalit din pero kakausapin muna kita bago ako gagawa ng isang hakbang. Hindi mo naman talaga kami nahuling ginagawa iyon di ba?”
“Hindi nga pero anong gusto mong isipin ko? Na nagdadasal kayo ni Glenda sa kwarto niya ng nakahubad?”
“Pakana lang ni Glenda iyon para magselos ka siguro. Hindi ko alam bakit. Kaya sana huwag mo nang uulitin ito ha dahil ikamamatay ko kung mawawala ka sa akin at ang anak natin.”
“Sorry na. Please patawarin mo na ako!” Naiiyak pa din niyang sabi sa asawa. “Bati na tayo.” Hinawakan pa ni Micea ang mukha ng asawa. “I love you loves.” Malambing niyang sabi rito.
Ngumiti naman ito sa kanya. “I love you too loves.” At madamdaming hinalikan siya nito. “Halika na nga sa loob.” Binuhat pa siya ng asawa papasok sa unit nila na nasa likod bahay.
———————————–
Do you like this story? Please share it to others and help us spread filipinoconnect.



February 3rd, 2010 at 1:23 pm
I really liked reading your post!. Quallity content. With such a valuable blog i believe you deserve to be ranking even higher in the search engines :). Check out the link in my name. That links to a tool that really helped me rank high in google. This way even more people can enjoy your posts and nothing beats a big audiance