Tayo Hanggang Huli Chapter 42
Pagkatapos kung makausap si Ching ay may kumatok kaya dali-dali kong pinagbuksan ito.
“Mon? Anong ginagawa mo dito? May kasama ka ba?” Nagpatingin-tingin ako sa hallway. Nang makita kong wala siyang ibang kasama ay pinapasok ko na.
“Wala Micea. At sinigurado kong hindi ako nasundan ni Melet.”
“Bakit ka nagpunta dito?”
“I love you loves. Kung alam mo lang kung gaano kita kamahal.” Napakaseryoso ng pagkakasabi niya kaya parang hinaplos ang puso ko sa nakikita ko.
“Alam ko Mon. Mahal na mahal din naman kita.”
“Di ba may nais kang sabihin bago pa dumating si Melet?”
“A iyon ba? Hindi naman importante. Kalimutan mo na iyon. Halika! Snack tayo. Nagugutom kasi ako.”
Habang kumakain kami ay hindi ko maiwasang mapatitig sa kanya. Hindi ko akalaing magkasama kami pero ni hindi ko magawang ipakita sa kanya na ako na ito ang babaeng nagmamahal sa kanya. Ang babaeng naaalala ang lahat sa kanya. Ang babaeng kailanman ay hindi nakalimot sa pangakong kailanman hindi ko siya ipagpapalit sa iba.
“May problema ba loves?”
“Wala naman. Masaya lang akong makasama ka.”
“Masaya din akong makasama ka loves.” Sinubuan pa niya ako ng pagkain. Naging napakasaya ng meryendang iyon. Ang sarap talaga niyang makasama. Kahit siya lang ay ang saya-saya na ng araw ko.
Kinagabihan ay hiniling niya ulit na matulog sa unit ko kaya pinagbigyan ko na lang. Matagal ko ding hindi nakasama sa pagtulog si Mon kaya hindi na ako nagdalawang isip pa. Yakap ko siya habang natutulog kami.
Apat na araw mula ng tawagan ko si Ching ay dumating na ang hiniling ko sa kanya na inumin kaya tuwang tuwa si Melet.
“Micea, salamat talaga dito a. Susundin ko talaga lahat ng bilin ng kaibigan mo.”
“Oo naman Melet. Para sa’yo.”
“So tayo na.”
Nagpunta kami ni Melet sa mananahi kung saan susukatan siya para sa gown. Excited na excited pa siya sa pagkukwento sa mananahi na bakla sa nakaraan nila ni Mon at kung paano nila naconquer ang mundo sa pagmamahalan nila. Naiinis man akong nakikinig sa kanya ay ipinakita ko pa rin na masaya at kinikilig ako sa mga kwento niya kahit ang totooy gusto ko na siyang sabunutan. Magsaya ka Melet hangga’t maaga dahil kapag natapos ako sa’yo ewan kung makakapagkwento ka pa ng ganyan kasaya.
Pagkatapos niyang sukatan ay nagpaalam na siya sa bakla na aalis na siya. Nagpaiwan ako at nagpasukat din ako para sa wedding gown ko. Hindi para sa kasal namin ni Rian pero sa lihim na inaayos kong kasal namin ni Mon. Alam kong hindi naman tututol si Mon kung saka-sakaling biglain ko siya ng proposal. Mayroon akong kopya ng lahat ng mahahalagang impormasyon kay Mon kaya magagawa ko siyang ayusin. Pag lumantad na ako ay may time pa din kami para sa seminar at sa mga importanteng legal issues.
Pinaniwala ko din si Rian na talagang inaasikaso ko ang kasal namin kahit pa wala akong balak na ituloy iyon. Isang napakalaking sorpresa ang nag-aantay sa kanya sa araw ng kasal namin. Ang araw na sa tingin niya ay magiging memorable para sa aming dalawa.
Kahit madalas kaming magkasama ni Mon sa unit ko ay hindi ko pa rin ipinagtapat sa kanya ang balak ko. Gusto ko kasing sorpresahin siya. Gusto kong this time ako ang magpropose sa kanya. Baliktad man at hindi magandang tingnan pero bawi ko sa lahat ng pagdurusang naranasan niya sa panahong hindi ko siya naaalala. Humanga ako ng husto sa tibay at tatag ng pagmamahal niya para sa akin. Kahit man lang konti ay masuklian ko iyon.
Dumalaw si Rian isang araw sa unit ko. Nakikita ko talaga sa kanya ang excitement sa nalalapit na pag-iisang dibdib namin.
“Excited ka na ba Sweetheart kasi ako halos hindi na ako makatulog. Hinihiling ko na sana bumilis ang takbo ng oras.”
“Naku ikaw talaga sweetheart. Relax ka lang baka… Ang puso mo baka bumigay na iyan.” Biro ko pa sa kanya.
“Hindi na talaga ako makapaghintay e. Iniisip ko din ang honeymoon natin sa Palawan.” My goodness. Gusto ko na talagang masuka sa mga pinagsasabi niya. Ewan ko lang kung sakaling makasal ako sa taong ito kung magagawa ko ba kahit ang imaginin ang mga bagay na iyon na kasama siya. Nagpepretend nga lang ako ay talagang hindi na kaya ng sikmura ko.
Lumipas ang mga araw at ito na ang araw ng kasal ko. Mamayang hapon sa Cathedral.
Maaga kong ginising si Mon. Kailangan naming maghanda. Kailangan niyang maghanda para sa napakalaking sorpresa na tatambad kay Melet at Rian ngayon.
Melet’s Side:
Napakaganda naman talaga ng wedding gown na ito. I really can give Micea all the credit dahil sa pag-aayos niya ng lahat. Kung siguro alam niya na mahal niya ang lalaking ikakasal sa akin ay hindi siguro niya idodrawing ang ganito kagandang gown para sa akin.
Kinuha ko ang gown at itinabi ito sa katawan ko. Hindi ko alam pero sa tingin ko ay hindi umepekto ang ibinigay ng kaibigan ni Micea. Tantiya ko nga ay parang tumaba ako. Kahit ganun man ang pakiramdam ko ay nagtiwala pa din ako kay Micea. Alam kong hindi niya ako paglalaruan. Kung siguro ang Micea na walang sakit maaring kaya pa niya akong paglaruan pero hindi si Micea ngayon.
Dumating na si Mon. Ipinakita ko kaagad sa kanya ang napakagandang wedding gown. Sinabi kasi ni Micea na hintayin namin siya ni Mon bago ko isukat ang damit. Ngiti lang ang itinugon ni Mon sa excitement ko. Naiintindihan ko dahil lalaki siya kaya hindi niya alam ang pakiramdam ng babaeng ikakasal lalo na sa lalaking pinakamamahal mo.
Sa wakas ay dumating na din si Micea.
Micea’s Side:
“O ano Melet? Nagustuhan mo ba ang pagkakagawa ng gown?”
“Oo naman Micea. Talagang napakaganda niya.”
“Sige isukat mo na.”
“Bakit ayaw?” Pinipilit talaga niyang isara ang zipper pero hindi talaga. Nakikita kong naiinis na siya. Halos pumutok na ang damit sa kakasukat niya. Pinipigil din niya ang paghinga ngunit hindi pa din ito magkasya. “Micea, niloloko mo ba ako?” Galit itong bumaling sa akin. Narealize siguro niya na hindi pampaslim iyong binigay ko kundi pampataba. Malapit nang lumabas ang tawa ko.
“Bakit mo naman naisip iyan?” Halos mapangiting inosenteng tanong ko sa kanya.
“Dahil hindi ako pumapayat, in fact parang tumaba ako.” Nakita kong parang natawa din si Mon na nakatingin lang sa amin.
Sumilay ang ngiti sa mga labi ko bago ako sumagot sa kanya. “Bakit Melet? Sa tingin mo tutulungan kitang makasal sa lalaking sa simula pa lang ay pagmamay-ari ko na?”
Nakita kong nagulat siya pati si Mon ay napatayo sa kinauupuan.
<Previous Page <Home> Next Page>
———————————–
Do you like this story? Please share it to others and help us spread filipinoconnect.



December 14th, 2009 at 4:20 am
Ms. J next na po ha? ganda ng story mo natutuwa talaga ako sa ginagawa ni micea..God Bless Ms. J!
December 14th, 2009 at 6:56 am
Hi Kaezy,
hehehehe madami nga ang may gusto sa ginagawa ni Micea kay Melet. heheheeheh.. abangan niyo po ang gagawin niya kay Rian..
Ingat po! salamt po sa pagdaan!