Kung Sana’y Ako Na Lang Chapter 15
Natapos na ang laro. Feeling ko wala akong naintindihan sa laro kahit pa sumisigaw-sigaw ako. Iniisip ko pa din kasi ang sagot sa tanong na kung mahal ko ba talaga si Larry? Akala ko kasi mahal ko siya pero parang hindi yata. Si Jerick lagi ang laman ng isip ko. Naaawa lang ba talaga ako sa kanya o hindi pa din nawawala ang pagmamahal ko sa kanya?
“Mhine, tayo na.”
“C.R muna ako Mhine kasi kanina ko pa pinipigil eh.”
“O sige. Iyong sa may exit na pintuan ang C.R. Hintayin na lang kita sa tapat na tindahan sa may gate. Nauuhaw kasi ako. Bili lang akong ice water.”
“Ok Mhine. Mabilis lang ako.”
Papalabas na ako ng bathroom ng parang may naririnig ako na nag-aaway. Hindi ko naman nakikilala ang mga boses. Lumakas ang kaba sa dibdib ko ng may marinig akong kumalabog. Para kasing isa sa kanila ang humagis ng upuan. Mga plastic na upuan kasi kaya magaan lang. Sino kaya ang mga iyon?
Dahan dahan akong naglakad palabas. Parang madadaanan ko yata silang dalawa pero nang mapadaan ako ng court ay tahimik ang paligid. Mukhang umalis na sila kaya nagpalinga-linga ako. May nakita akong nakayuko na isang lalaki. Nagdalawang-isip ako kung lalapitan ko ba kasi kami na lang dalawa sa court.
Aalis na sana ako ng tawagin niya ako.
“Kath…” Parang umiiyak siya. Sigurado akong kay Jerick galing ang boses na iyon. Nilingon ko siya at hinaplos ang puso ko sa nakikita ko. Hindi ko alam anong pumasok sa isipan ko at niyakap ko siya.
“Bakit ganun Kath?” Naiiyak na din akong nakayakap sa kanya. Pareho kasi kami ng tanong. Bakit kaya ganun?
“Minahal ko naman siya Kath. Binigay ko ang lahat sa kanya pero bakit ganito ang ginagawa niya sa akin? Masama ba akong boyfriend Kath?” Nakasubsob na siya sa dibdib ko habang umiiyak.
“Jerick hindi ka masamang boyfriend. Mabuti kang tao. Sadyang may mga taong naglalaro lang talaga sa damdamin ng ibang tao.”
“Hindi ko kaya kung makipaghiwalay siya sa akin Kath. Tulungan mo ako.” Para siyang batang nagmamakaawa sa akin. Jerick kung sana’y ako na lang…
“Anong gusto mong gawin ko?”
“Pakiusapan mo si Erika na huwag akong hiwalayan. Please Kath. Ipangako mo na tutulungan mo ako.”
“Pero Jerick.. Hindi ko hawak ang isip ni Erika.”
“Makikinig siya sa’yo alam ko.”
Larry’s Side:
Ang tagal naman ni Kath. Ano kayang nangyari?
Papasok sana ako sa gym nang makita ko sina Jerick at Kath na magkayakap. Nagseselos ako. Hindi dapat iyon ang madama ko dahil alam kong kaibigan namin ni Kath si Jerick pero hindi ko naiwasan. Yakap-yakap ni Kath si Jerick. Patuloy na inaalo siya ng girlfriend ko. Bakit parang napakasakit ng dibdib ko sa nakikita ko? Hindi ko na lang sila nilapitan. Nagpasya na lang ako na umuwi na habang hawak ang puso ko.
Erika’s Side:
Nagsisi ako sa sinabi ko kay Jerick. Mahal na mahal ko naman talaga siya pero siya itong nagmamahal ng ibang babae. Gusto ko lang namang makaganti sa kanya sa kalahating atensyon lang na ibinibigay niya sa akin. Ipinangako ko sa sarili ko na sasaktan ko siya sa abot ng aking makakaya sa ginawa niyang pananakit sa akin ng di sinasadya.
“Erika, bakit kasama mo na naman si Paul?” Naalala ko na tanong sa akin ni Jerick ng nasa may basketball court kami kanina.
“Nagpasama lang siya sa akin kasi may project kami sa Physics. Di ba kaklase ko siya hon?”
“Grabe naman iyang project niyo kailangang magdamagan?” Inihagis pa nito ang silya na nasa tapat niya kaya nagulat ako at nainis sa kanya.
“Jerick, ano ba? Bakit ba napakamalisyoso mo?”
“Hindi ako malisyoso. Ikaw itong kung sinu-sino ang sinasamahan. Ano bang kulang sa akin Erika? Binigay ko naman sa’yo ang buong puso ko a.” Talaga Jerick? Iyon sana ang gusto kong itanong sa kanya. Bakit sa Timuga nakita kitang parang may pagnanasa ka kay Kath?
“Jerick, ano ba? Huwag ka ngang magselos dyan. Pasalamat ka hindi kita hiniwalayan. Kung tutuusin madami ang nagkakagusto sa akin pero nagtitiyaga ako sa’yo. Huwag mo akong galitin.” Iniwan ko na lang siya na nakayuko lang.
Malapit na ako sa may gate ng maisipan kong hindi ko dapat ginawa iyon kay Jerick kaya bumalik ako. Nakita ko si Larry na paalis na parang hawak ang puso niya kaya sumilip din ako. Parang nalaglag din ang puso ko sa nakikita ko. Magkayakap sina Kath at Jerick. Nakasubsob pa siya sa dibdib ni Kath. Bakit Jerick? Bakit kailangan mong gawin ito sa akin?
<Previous Page <Home> Next Page>
———————————–
Do you like this story? Please share it to others and help us spread filipinoconnect.


