Tayo Hanggang Huli Chapter 28
Naglasing na naman si Mon kinagabihan kaya tinawagan ng mommy niya ang kuya niya. Pinapabayaan lang kasi siya ng kapatid dahil alam niya ang pagdurusa nito sa kasintahan pero sa isip ng kapatid ay kailangan na niyang maging matino ngayon. Nasa di mabuting kalagayan ang daddy nila. Kailangan nilang magtulungan at maging matatag para sa isa’t isa. Hindi itong papasanin pa nila ang isa pang membro ng pamilya.
“Mon, gumising ka dyan.” Inalis pa ng kuya Drew niya ang kumot para magising siya at binuksan ang mga bintana.
“Ano ba kuya? Ang aga-aga e.” Pagmamaktol niya sa kapatid.
“Bakit ka na naman naglasing kagabi?” Pasigaw na tanong nito.
“Si Mommy talaga sumbungera.” Iyon lang ang lumabas na sagot sa bibig niya at tinakpan ng unan ang ulo niya.
“Mon, bumangon ka dyan. I mean it!” Mataas na ang boses ng kapatid.
“Ano bang ikinagagalit mo? Hindi naman ako humingi sa’yo ng pera para pang-inom ko a.” Ipinakita na niya ang inis na kanina pa niya pinipigil sa kapatid.
“Kailangan nating magtulungan ngayon lalo na sa kalagayan ni Daddy. Nakikita mo ba ang ginagawa mo? Dinadagdagan mo ang problema sa bahay na ito.”
“Kuya, hindi mo alam ang sinasabi mo. Hindi mo kasi alam kung anong nararamdaman ko.”
“Bumangon ka na sa pagkalugmok kay Micea. Ikakasal na ang babaeng kinababaliwan mo. Maghanap ka na lang ng iba.”
“Napakadaling sabihin dahil hindi ikaw ang nasa kalagayan ko.”
“Mon, dumaan din ako dyan. Nasaktan din ako noon pero hindi ko ginawang hadlang iyon para ipagpatuloy ang buhay ko. Kailangan ka nina Mommy at Daddy ngayon. May pamilya na ako kaya pwede maging responsable ka naman para sa kanila. Tulungan mo naman sila o.” Nahahabag siya sa kapatid.
“Pero kuya mahal ko si Micea e. Siya lang ang babaeng gusto kong makasama habang buhay.”
“Sa ngayon iyan ang sinasabi mo dahil hindi mo binigyan ng chance ang sarili mo na magmahal ulit. Kung susubukan mo makikita mo makakalimutan mo siya hindi iyong alak lang ang nakakapagpalimot sa’yo.”
“Wala akong ibang makitang babae na makakapalit kay Micea kuya. Siya lang talaga.” Napaupo na siya sa gilid ng kama.
“Bakit di mo balikan si Melet? Nagsasakripisyo iyong tao para damayan ka sa lahat ng bagay.”
“Hindi ko na siya mahal.”
“Bakit di mo subukang mahalin siya ulit?”
“Hindi ko kayang kalimutan si Micea.”
“Makakaya mo iyan Mon. Alam kong matatag ka. Alam kong kaya mo ‘yan.” Lumabas na ng kwarto niya ang kuya Drew niya. Naiwan si Mon na hindi pa din alam kung ano ang gagawin. Gulung-gulo ang isip niya. Ayaw niyang balikan si Melet dahil lang sa gusto ng lahat. Nais niyang balikan ito dahil mahal niya ito at wala ng iba pa.
Naisip niya na tama ang kapatid niya. Hindi niya binigyan ng chance ang sarili na magmahal ulit. Nilulunod na lang niya ang sarili sa alak para kahit sandali ay makalimutan ang kasintahan.
“Hi Melet” Sinundo niya si Melet sa pinagtatrabahuan nito. Napagdesisyonan kasi niya na bigyan ng chance ang sarili para sa kanila ni Melet.
“O anong ginagawa mo dito?” Nagtatakang tanong nito.
“Masama bang sunduin kita?”
“Himala yata. Anong nakain mo?”
“Ito naman o. Kain tayo sa labas.”
“Ha? Ok! Kung iyan ang gusto mo.” Inalalayan pa niya si Melet pasakay ng kotse niya.
Nang nasa restaurant na sila ay asikasong-asikaso niya si Melet tuloy nagtataka ang dalaga sa mga kilos niya.
“Anong meron Mon?” Hindi na nakatiis at nagtanong ito.
“Gusto ko sanang magsimula tayong muli. Gusto kong bigyan ng chance ang sa ating dalawa Melet.”
“Talaga?” Hindi pa din maalis ang pagtataka sa mukha nito.
“Oo Melet. Tulungan mo ako na makalimutan si Micea.” Napangiti si Melet sa sinabi niya. “Gusto ko sanang… magpakasal tayo.” Halos hindi niya masambit ang huling salita. May ibinigay siya na singsing kay Melet at tuwang-tuwang umoo ito.
“Mahal na mahal kita Mon. Wala nang sasaya pa sa akin.”
“Masaya din ako Melet. Salamat at tinanggap mo ang alok ko.”
“Matagal ko nang hinintay na maging tayo ulit Mon. Maraming salamat.”
Nang umuwi sila ng bahay kinagabihan ay tuwang-tuwang ibinalita ni Melet sa mga magulang niya ang pag-alok niya ng kasal. Pilit na ngiting tumango tango siya sa kanilang lahat.
“Salamat Mon. Alam kong hindi ka magsisisi sa desisyon mong ito.” Tinapik pa siya sa balikat ng daddy niya habang nakaupo siya sa sofa.
“Ginagawa ko po ito para sa amin ni Melet. Masaya po akong masaya din po kayo Dad.”
“Sa susunod na linggo na ang alis ninyo papuntang Cebu. Kailangan ninyong imeet ang engineer na nakontak namin para siyang magplano sa itatayong mall. Maghanda kayo ni Melet.”
“I know dad.” Sang-ayon niya sa ama.
Micea’s Side:
“Sweetheart, darating sa susunod na linggo ang kliyente namin. Ipapadala daw nila ang siyang magiging managers ng mall na iyon. Sama ka sa amin ha sa dinner na iyon.”
“Huwag na sweetheart. Business iyon e.”
“Hindi, ginawa nilang informal iyon kaya pwedeng magdala ng partner.”
“Ok. Mahihindian ko ba naman ang gwapong boyfriend ko.” Pinisil-pisil pa niya ang pisngi ni Rian.
Isang linggo ang lumipas. Naghahanda na silang dalawa ni Rian para sa dinner ng kakatagpuing mga managers daw ng mall. Kasama din sa dinner ang dalawa pang engineers na mamamahala sa ipapatayong mall.
“Ganda talaga ng sweetheart ko kahit kailan.”
“Sabi mo e. Tayo na.”
“I love you sweetheart.”
“I love you too loves.” Nagulat siya sa nasambit. Bakit loves ang nadugtong niya? “I mean sweetheart.” Hinalikan na lang niya ito para di na mag-isip ng iba.
Mon’s Side:
Papasok na kami ni Melet sa restaurant na kakainan namin. Nagmadali na nga kami dahil ayaw din naman naming ma-late. Nang makapasok na kami ay nakita kaagad namin ang dalawang engineers na naghihintay.
“Hi, my name is Raymond Alda, this is my fiancée Melet Grace Martinez.” Nagkamayan kaming anim. May mga kasama din kasing partner ang dalawang engineer.
“Hinihintay na lang natin ang isa pa naming kasama na siyang may dala ng plano. Maupo kayo.” Pahayag ng isang engineer.
“Andito na pala sila.” Sabay kaming napalingon lahat.
“Micea…” Tanging nasambit ko sa nakangiting babae na paparating na nakakapit pa sa kasama niya.
<Previous Page <Home> Next Page>
Comments from Other Site:
..tapos po ba toh?
ang ganda kelan po yung karugtong?
———————————–
Do you like this story? Please share it to others and help us spread filipinoconnect.


